Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 katuwang ang iba pang unit ng kapulisan ang isang aktibong pulis sa Pangasinan na may ranggong Police Chief Master Sergeant matapos makuhaan ng tinatayang ₱5.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu at mga hindi lisensiyadong baril sa Barangay Aserda sa bayan ng Mapandan.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Region I Regional Director Julius M. Paderes, ang suspek ay may halos dalawang dekada na sa serbisyo at kasalukuyang nakatalaga sa Provincial Drug Enforcement Unit ng Pangasinan — ang mismong yunit na nakatutok sa paglabag at pagpuksa sa ilegal na droga sa lalawigan.

Inihayag ng mga awtoridad na umabot sa 812.8 gramo ng methamphetamine hydrochloride ang kabuuang nasamsam mula sa suspek, kabilang ang nakumpiska sa kaniyang sasakyan at tirahan.

--Ads--

Saad nito na labis na nakalulungkot ang pagkakadakip sa kapwa alagad ng batas na itinuturing na High-Value Target, lalo pa at imbes na siya ang manguna sa kampanya laban sa ilegal na droga ay siya pa ang gumagawa ng masamang gawaing ito.

Pagbabahagi pa nito na naisagawa ang matagumpay na pagkahuli sa suspek sa pamamagitan ng pagpapatupad ng search warrant kasunod ng halos dalawang buwang case build-up, surveillance, at mga operasyon ng intelligence.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng PDEA ang suspek para sa kinakailangang medical examination, drug testing, at inquest proceedings.

Inihahanda na ang mga kasong kriminal para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Binigyang-diin ni Paderes na bukod sa pananagutang kriminal, kakasuhan din ang pulis ng kaukulang kasong administratibo upang pormal at tuluyan siyang matanggal sa serbisyo, at tiniyak niyang magiging airtight o walang butas ang isasampang kaso.

Samantala, naghatid ng matinding babala ang opisyal sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan at kapulisan na itigil na ang pagpariwara sa ilegal na droga dahil lalabas din ang katotohanan, hahabulin at kakasuhan sila ng pamunuan, at kailanman ay hindi kukunsintihin ng PDEA ang anumang ilegal na gawain sa loob ng law enforcement agencies o sa sarili nitong hanay.