DAGUPAN CITY- Isinagawa ang Agri-Tourism Trade Fair 2026 kasabay ng PINAKAcontest na naglalayong itaguyod ang lokal na agrikultura at turismo, habang binibigyang-diin ang mataas na kalidad ng ani mula sa bayan ng Bani.
Tampok sa aktibidad ang pakikipagtulungan ng mga magsasaka, asosasyon, at pribadong sektor upang mapalawak ang merkado ng mga produktong agrikultural.
Ibinahagi ni Albert Castillo, Marketing Technician ng Known-You Seed Philippines, Inc., ang karanasan sa pagkuha at pagbebenta ng ani mula sa mga lokal na magsasaka.
Ayon sa kanya, naging mahalaga ang papel ng mga asosasyon ng magsasaka sa proseso ng pagkuha ng produkto at pagpasok sa merkado.
Sa kasalukuyan, maayos ang takbo ng bentahan dahil maganda ang presyo ng ani, na nagbibigay ng dagdag-kita sa mga magsasaka.
Noong una, naging mahirap ang sitwasyon ng agrikultura sa Bani, dahilan upang lumapit ang maraming magsasaka para sa tulong at suporta.
Sa paglipas ng panahon, unti-unting bumuti ang kalagayan, partikular sa usapin ng presyo at demand, bunsod ng patuloy na pagpapabuti sa kalidad ng ani.
Kilala ang Bani sa husay ng mga magsasaka at sa kalidad ng kanilang produkto, dahilan kung bakit dinarayo ito ng mga mamimili.
Isa sa mga binigyang-diin ay ang tamis at kalidad ng pakwn na produkto ng lugar.
Ginamit ng mga katuwang na magsasaka ang mga variety na Tiffany sa Mahaba at Buffalo, na nag-ambag sa mas mataas na kalidad ng ani.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang Known-You Seed Philippines, Inc. sa patuloy na pagtangkilik sa kanilang mga produkto.
Lalo umanong nakikita ang benepisyo nito sa mga Pakwan growers at iba pang katuwang na patuloy na gumagamit ng makabagong binhi at teknolohiya sa agrikultura.
Nagsilbing plataporma ang Agri-Tourism Trade Fair 2026 at PINAKAcontest upang ipakita ang potensyal ng Bani bilang sentro ng de-kalidad na ani at agri-turismo, habang pinalalakas ang ugnayan ng mga magsasaka at ng merkado para sa mas matatag na kabuhayan.










