Dagupan City – Ibinalik ang Adopt-A-Scholar Program sa Bayambang Polytechnic College na naglalayong tulungan ang mas maraming estudyante na makapagtapos ng kolehiyo sa pamamagitan ng ugnayan ng mga sponsor at benepisyaryo.

Sa ilalim ng programa, sinasagot na ang matrikula ng mga mag-aaral, ngunit nananatiling hamon ang araw-araw na gastusin tulad ng pamasahe, pagkain, at iba pang pangangailangan sa eskwela.

Magbibigay ang programa ng karagdagang suporta sa mga estudyante upang makapagpokus sa kanilang pag-aaral.

--Ads--

Maaaring pumili ang mga sponsor ng estudyanteng nais nilang tulungan mula sa listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo, batay sa pangangailangan o profile ng mga ito.

Maaari ring magbigay ng tulong sa paraang pinakaangkop sa sponsor, gaya ng buwanan, kada semestre, taunang suporta, o isang beses na donasyon.

Samanatala, sisiguruhin ng komite ang patas at malinaw na proseso sa pagpili ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagrerekomenda ng mga angkop na estudyante.

Bukod dito, maaari ring direktang magbigay ng donasyon sa programa upang mas marami pang nangangailangang mag-aaral ang matulungan.