Pormal nang sinalubong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kapaskuhan sa Malacañang sa pamamagitan ng taunang Christmas tree lighting ceremony sa Kalayaan Grounds, kung saan itinampok ang mga tradisyonal na parol mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasama ng Pangulo sa pagdiriwang sina First Lady Louise Araneta-Marcos, House Majority Leader Sandro Marcos, dating Unang Ginang Imelda Marcos, at matataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki ng Pangulo ang natatanging diwa ng Paskong Pilipino na dama na mula pa lamang Setyembre at ipinagmamalaki rin ng mga OFW sa buong mundo.
Aniya, sa kabila ng bigat ng trabaho at mga pagsubok, ang pagdiriwang ng Pasko ay nagbibigay-pagkakataon upang magkaisa ang mga pamilya, magpatawad, at magpasalamat para sa isang panibagong simula.
Kasabay nito, nanawagan si Pangulong Marcos sa mga mambabatas na isapuso ang diwa ng Pasko sa pagsisimula ng bicameral deliberations para sa panukalang 2027 national budget upang matiyak na mararamdaman ng taumbayan ang serbisyo ng gobyerno.
Iginiit din niya sa mga opisyal ng pamahalaan ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagtatrabaho upang makapagpahinga at mag-enjoy ang publiko ngayong holiday season.
Sa pagtatapos, hinikayat ng Punong Ehekutibo ang bawat Pilipino na gamitin ang panahong ito upang magpahinga at magpanibago ng lakas, sabay pagbati ng isang maligayang Pasko at masaganang Bagong Taon para sa lahat.










