Wala umanong magarbong Christmas party ang Region 1 Medical Center ngayong taon. Sa halip, hiniling sa mga empleyado na unahin ang paghahanda para sa epekto ng El Niño. Kung nais mag-party, maaari itong gawin na lamang per department at hindi bilang buong ospital.
‎
‎Sinabi ni Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge, Medical Center Chief ng Region 1 Medical Center na una niyang pinakiusap sa mga empleyado nang ma-release ang kanilang benepisyo na huwag munang gumastos sa magarbong pagdiriwang. Sa halip, makipag-ugnayan sila sa mga kakilala na nagpo-provide ng solar power generation. Hindi kailangang malaki ang sistema at ang mahalaga ay mayroong mapagkukunan ng kuryente kapag kinakailangan.
‎
‎Paliwanag niya, kapag dumating ang pinaka-peak ng El Niño ay laging may brownout. Sa pamamagitan ng solar, kahit man lang mayroong ilaw sa tahanan sa gabi o mayroong isang electric fan na makakatawid hanggang kinabukasan. Para sa mga may kakayahan, maaari silang maglagay ng mas malalaking sistema upang mas maging handa.
‎
‎Kasabay nito, pinaghahandaan na rin ng ospital ang suplay ng tubig. Mayroon nang komunikasyon sa mga ahensya kaugnay sa hydrology at geology para matiyak ang water supply. Ine-explore din ang posibilidad ng water reprocessing na maaaring gamitin bilang pang-flush ng toilet. Malaking bagay ito upang hindi ma-deplete ang water table ng ospital at ng mga kalapit na lugar.