Inilunsad ng Region 1 Medical Center ang digital system na tinatawag na Boses mo Mahalaga. Sa pamamagitan ng QR code na nakapaskil sa mga lugar sa ospital, maaaring mag-scan ang mga pasyente at publiko upang maiparating ang kanilang reklamo, papuri at mungkahi. Layunin ng sistema na mapabilis ang pagtanggap at pag-aksyon sa mga hinaing at mapalakas ang serbisyo sa ospital.

Sinabi ni Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge, Medical Center Chief ng Region 1 Medical Center na matagal nang nakakatanggap ang ospital ng mga reklamo at kuwento mula sa publiko. Naging mahirap itong aksyunan dahil walang kongkretong reklamo. Kaya inayos ang proseso at inilunsad ang Boses mo Mahalaga upang maging malinaw at direkta ang pagparating ng mga reklamo, papuri at mungkahi.

Sa bagong sistema, hindi na kailangang gumawa ng sulat na reklamo dahil digital na ang lahat. Agad na naipapadala ang reklamo sa kinauukulan at sa immediate boss ng empleyadong tinutukoy. Mas mabilis din ang pagtugon at sinisigurong nakakausap ang mga nagreklamo. Nasa dalawampu na ang nag-scan at nagbigay ng reklamo, papuri at mungkahi mula nang ilunsad ito noong nakaraang linggo.

--Ads--

Plano rin ng ospital na magkaroon ng app kung saan maaaring mag-upload ng larawan ang publiko kapag may nakitang basura o iba pang problema sa ospital. Sa pamamagitan nito, agad na makikita sa real time at maaaksyunan ng kinauukulan. Binigyang-diin na ang mga pasyente ang boss ng ospital at tungkulin ng mga nasa gobyerno na magsilbi, hindi pagsilbihan.