Pumalo na sa 30 sentimetrong kapal ang naipong snow sa Middle Finland habang bumaba naman sa negative 5 hanggang 10 degrees Celcuis ang temperatura matapos magsimulang maranasan ang pag-ulan ng snow sa iba’t ibang bahagi ng naturang bansa.

Ayon kay Bombo International News Correspondent sa Finland Mhaye Blacer Fajanella, nararanasan na rin umano ang snowfall sa bahaging timog ng bansa kung saan naghahanda na ang mga residente sa posibleng paglala sa kondisyon ng panahon.

Kaugnay nito, Ibinahagi ni Fajanella na isa umano sa pangunahing hamon ang zero vissibility partikular tuwing umaga dahil sa makapal na ulap at madilim na kapaligiran habang kadalasan umanong naiuugnay sa pabago-bagong temperatura ang pagdami ng kaso ng flu sa naturang lugar.

--Ads--

Patuloy naman umano ang pagbabantay ng mga road maintenance personnel sa lugar upang matiyak na ligtas at madadaanan ang mga kalsada.

Samantala, inaasahang simula pa lamang umano ito ng panahon sa pag-ulan ng snow at tinatayang aabot ito sa rurok ng Enero at Pebrero na magpapatuloy hanggang sa kalagitnaan ng Abril.