Nagpaalala si Natural Health/Herbalist Consultant Dr. Wilsky Delfin na uso ngayon ang influenza o trangkaso ngayong Ber months, lalo na sa mga mahina ang resistensya at madalas makihalubilo sa maraming tao.

Ayon kay Delfin, ang simpleng sipon ay kadalasang baradong ilong lamang at nakakagalaw pa nang normal ang isang tao. Kapag may kasama nang panginginig, panghihina at mataas na lagnat, ito na aniya ang tinatawag na trangkaso. Payo niya na magpakonsulta agad sa doktor kung hindi gumagaling sa loob ng lima hanggang anim na araw o umabot na sa 14 na araw ang sintomas.

Ipinaliwanag din niya na mas mabilis kumalat ang virus kapag may sakit na ay pumapasok pa rin sa trabaho o paaralan, at kapag nahahawakan ang mga bagay na may virus o nalalanghap ang ubo at bahing ng may sakit. Kaya aniya, mas mainam na magpahinga muna, magsuot ng face mask, maghugas ng kamay at umiwas muna sa matataong lugar.

--Ads--

Binigyang diin ni Delfin na hindi dapat uminom ng antibiotic na hindi nireseta ng doktor, dahil virus at hindi bacteria ang sanhi ng trangkaso. Aniya, maaari itong makasama at makapagpalala ng karamdaman.

Para maiwasan ang pagkahawa, pinayuhan niya ang publiko na kumain ng masustansya, uminom ng sapat na tubig at mga pagkaing mayaman sa vitamin C tulad ng masasabaw at maasim na ulam gaya ng sinigang. Hinikayat din niya ang mga senior citizen na magpa flu vaccine, at magtanong sa mga lokal na health office kung may libreng bakuna na inaalok ang gobyerno.

Para naman sa mga kailangang pumasok kahit may sintomas, payo ni Delfin na uminom agad ng gamot para sa lagnat at ubo, at pagkatapos ng trabaho ay dumiretso na sa bahay para magpahinga, magbabad ng paa sa maligamgam na tubig at matulog nang maaga.