Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na panandaliang solusyon lamang ang education voucher program at hindi ito pangmatagalang sagot sa siksikan at kakulangan ng mga pampublikong paaralan.
Ayon kay ACT National Chairperson Ruby Bernardo, mas mainam na pondohan ang pagpapatayo ng mga classroom at pag-hire ng mga guro kaysa ilipat ang mga estudyante sa private schools. Aniya, nasa P18,000 hanggang P22,500 lamang kada taon ang voucher sa NCR na hindi sasapat sa libro, gadget, internet at iba pang gastos ng mahihirap na estudyante.
Binanggit din niya na sa P1.9 bilyong alokasyon para sa voucher sa 2027, makakapagpatayo na sana ang gobyerno ng 643 na classroom kung ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P3 milyon. Iginiit din niya na dapat tiyakin sa IRR ng RA 12327 na ang pinakanangangailangan ang makakakuha at hindi na mauulit ang anomalya ng ghost students.
Kaugnay naman ng DepEd Order No. 060, serye ng 2026 na nagpapahintulot sa expulsion ng mga sangkot sa bullying, sinabi ni Bernardo na dapat protektahan ang mga bata ngunit hindi dapat maging pangunahing solusyon ang pagpapatalsik. Aniya, ugatin ang sanhi ng bullying tulad ng overcrowding, kakulangan ng mental health personnel at counseling, at palakasin ang rehabilitation sa halip na puro parusa.










