Dagupan City – Kinilala ang Bugallon Police Station matapos magkampeon sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO) Challenge na ginanap sa Camp Gov. Antonio U. Sison, Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa Lingayen, Pangasinan.
Tinanggap ni PMAJ Rodolfo S. Labayo Jr., Chief of Police ng Bugallon Police Station, ang parangal para sa kanilang yunit na ipinagkaloob ni PLTCOL Allan Emerson B. Dauz, Deputy Provincial Director for Operations (DPDO), kasama ang mga miyembro ng Command Group.
Ang EMPO Challenge ay nagsisilbing capability assessment ng mga police unit sa kanilang kahandaan at kakayahan sa operasyon, kabilang ang 911 emergency response, communication systems, paggamit ng body-worn cameras, Zello operations, at command and control.
Sa pamamagitan ng naturang pagsusuri, tinataya ang kahusayan, koordinasyon, at kahandaan ng mga pulis sa pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon at pangangailangan sa pagpapatupad ng batas.
Ang pagkakamit ng kampeonato ay sumasalamin sa dedikasyon, pagtutulungan, at propesyonalismo ng mga tauhan ng Bugallon Police Station sa pagpapanatili ng mahusay at maaasahang serbisyo sa publiko.
Patuloy namang pinagtitibay ng Bugallon Police Station ang kanilang pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan.










