Plano ngayon ng pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc sa lungsod ng Dagupan na magpasa ng isang barangay ordinance upang mas magkaroon ng “pangil” ang kanilang pagkumpiska sa mga ipinagbabawal na boga at ang paghuli sa mga gumagamit ng maiingay na tambutso o open muffler.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Punong Barangay Wilmer Castañares, sinabi nitong bagama’t umiiral na ang mga ordinansa ng lungsod at ang pambansang batas, nais nilang magkaroon ng sariling panuntunan ang barangay upang mas mapaganda at mas maging epektibo ang kanilang pagpapatupad sa kanilang nasasakupan.
Ayon pa sa kanya nakakumpiska na sila ng nasa 15 piraso ng boga sa kanilang isinagawang operasyon sa iba’t ibang sitio sa barangay, partikular sa Sitio Korea, Amerika, Palatong, at Japan.
Aniya, Oktubre pa lamang ay nakaririnig na sila ng mangilan-ngilang gumagamit nito kaya agad nilang inatasan ang mga opisyal at residente na i-report ang mga ito.
Karamihan sa mga gumagamit ay mga menor de edad na gumagawa ng boga gamit ang tin can, malalaking lata ng gatas, at acetone bilang pampasindi na mga materyales na lubhang mapanganib at maaaring makadisgrasya.
Bagama’t wala pang naitatalang nasugatan o nadisgrasya dahil sa boga sa kanilang barangay mula noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan, iginiit ni Castañares na mahalaga ang maagang pag-aksyon bilang preventive measure.
Malaki rin umano ang naitulong ng pagpapakita sa media ng kanilang pagkumpiska dahil naabisuhan na ng mga magulang ang kanilang mga anak.
Bukod sa kampanya kontra boga, tinututukan din ng barangay ang mga motorsiklong gumagamit ng maiingay na muffler na nakakaistorbo sa mga residente lalo na tuwing gabi.
Nakahuli na umano sila ng isang lumabag ngunit pinagsabihan muna ito at binigyan ng babala habang inihahanda pa ang mas mahigpit na ordinansa ng barangay.










