Tatlong menor de edad ang nasawi matapos malunod sa isang ginawang palaisdaan sa Barangay Payas, bayan ng Santa Barbara, Pangasinan.
Kinilala ng Santa Barbara Police ang mga biktima bilang mga batang nasa edad apat, lima at anim na taong gulang.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga concerned citizen bandang alas-dos ng hapon noong Sabado, Nobyembre 14, tungkol sa tatlong batang hinihinalang nalunod sa naturang lugar.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad, subalit pagdating nila sa lugar ay naisugod na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang tatlong bata sa pinakamalapit na ospital.
Ayon naman sa mga kaanak, idineklarang dead on arrival ang mga biktima.
Sa isinagawang follow-up investigation, napag-alaman ng pulisya na bandang alas-dose ng tanghali nang magpaalam ang mga bata na maliligo sa bahagi ng patubigan sa bukid.
Gayunman, sa halip na sa inaasahang lugar sila maligo, nagtungo ang mga ito sa isang man-made hole na ginagamit bilang palaisdaan.
Batay sa salaysay ng mga kaanak, lampas-tao ang lalim ng naturang palaisdaan. Posible umanong hindi naunawaan ng mga bata ang lalim nito at inakala nilang mababaw lamang ang tubig.
Nang puntahan naman ng pulisya ang lugar bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon, napag-alamang walang nakalagay na safety net sa paligid ng palaisdaan.
Ayon sa may-ari, hindi naman umano inilaan ang lugar bilang paliguan ng mga bata at posibleng napadpad lamang ang mga ito roon.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak, lalo na kung malapit ang mga ito sa mga lugar na may malalim na tubig gaya ng mga palaisdaan at iba pang hukay na gawa ng tao.
Mahalaga ring tiyakin ang kaligtasan ng mga bata at huwag silang hayaang maligo o maglaro sa mga lugar na hindi naman talaga inilaan para rito upang maiwasan ang kaparehong trahedya.










