Umabot na sa 31 anti-smuggling operation laban sa ilegal na sigarilyo ang naisagawa ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa buong lalawigan ngayong taon, na nagresulta sa pagkakadakip ng 16 na indibidwal at pagkakakumpiska ng mga kontrabandong nagkakahalaga ng mahigit ₱34 milyon.
Ayon kay PMAJ. Aileen Catugas, ang Public Information Officer ng Pangasinan PPO, lumalabas sa kanilang datos na bukod sa mga baybaying bayan gaya ng Agno, Bolinao, Alaminos City, at Bani, may mga operasyon ding isinagawa sa iba pang mga lugar sa lalawigan kabilang ang Sta. Barbara, Labrador, Natividad, San Quintin, Bayambang, Pozorrubio, at Rosales.
Sinabi pa ni Catugas na ang pinakamalaking nakumpiska ng kanilang hanay ay noong Setyembre sa bahagi ng Agno, kung saan nasabat ang mahigit 200 kahon ng ilegal na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng halos ₱18 milyon at ikinaaresto ng dalawang indibidwal.
Dahil dito, mas pinaigting ng kapulisan ang koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies upang mabantayan at mapigilan ang bentahan at pagpupuslit ng ilegal na sigarilyo sa lalawigan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Provincial Director PCOL Dennis De Leon, nananawagan ang Pangasinan PPO sa mga residente, lalo na sa mga coastal areas, na agad isumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, ibang law enforcement agencies, o mga opisyal ng barangay kung may napapansing kahina-hinalang gawain upang mabigyan ito ng kaukulang aksyon.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga nagbebenta ng murang sigarilyo na walang tax stamp na ang mga ito ay unregistered at ang sinumang mapapatunayang lumalabag ay maaaring panagutin alinsunod sa batas.
Samantala, ang mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa pagpupuslit, pag-iingat, o pagbebenta ng ilegal at hindi rehistradong sigarilyo ay maaaring maharap sa mabibigat na kasong kriminal at pagbabayad ng malaking multa.
Kabilang dito ang paglabag sa Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) para sa smuggling at pagtatago o pagbebenta ng smuggled goods, at Republic Act No. 8424 o ang National Internal Revenue Code (NIRC) para sa pagbebenta o pag-iingat ng produktong tabako na walang kaukulang excise tax at BIR tax stamp.










