Nagbigay ng babala ang IBON Foundation kaugnay ng pagbaba ng gross international reserves ng Pilipinas sa 98 bilyong US dollar sa pagtatapos ng Oktubre, kasabay ng naitalang 1.5 bilyong US dollar na deficit sa balance of payments sa nasabi ring buwan.

Ayon kay IBON Executive Director Sonny Africa, malaking pagbagsak ito ngunit hindi pa maituturing na krisis, dahil mas malaki pa rin ang ginagastos ng bansa para sa foreign exchange kaysa sa kinikita nito mula sa exports at remittances.

Ipinaliwanag ni Africa na nasa mahigit anim na buwan pa ang import cover ng reserba ng bansa, malayo pa sa dalawa hanggang tatlong buwan na itinuturing na mapanganib. Ngunit aniya, bumagsak na ito mula sa pitong buwan noong nakaraang taon at halos isang taon noong 2018 hanggang 2019, kaya dapat tingnan ang direksyon na pababa.

--Ads--

Dagdag pa niya, malaki ang epekto ng mataas na presyo ng langis at geopolitical tensions sa paglobo ng import bill, kung saan umabot umano sa halos dalawang bilyong dolyar ang ginastos sa imported na langis noong Setyembre lamang, kumpara sa 1.3 bilyong dolyar noong nakaraang taon.

Binigyang-diin din ni Africa na hindi na dapat umasa ang bansa sa remittances ng mga OFW upang takpan ang trade deficit, dahil bumagal na ito sa 2.3 porsyento sa unang siyam na buwan ng taon, habang lumaki ng 20 porsyento ang gastos sa imports. Aniya, kailangan palakasin ang lokal na produksyon at renewable energy upang mabawasan ang pagiging import-dependent ng Pilipinas.