Dagupan City – Tinatayang aabot sa ₱11,900 ang halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska ng mga awtoridad mula sa isang 33-anyos na lalaki sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Asingan noong Nobyembre 18, 2026.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office (PPPO), nakapaloob ang nasabing ilegal na droga sa apat na heat-sealed transparent plastic sachet na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 1.75 gramo.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Asingan Municipal Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na isang binata, walang trabaho, at residente ng bayan ng San Manuel, Pangasinan.
Bukod sa ₱11,900 halaga ng kontrabando, narekober din sa operasyon ang ₱500 buy-bust money, isang improvised glass tooter, isang cellphone, at isang motorsiklo.
Samantala, dinala na ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Asingan Municipal Police Station para sa dokumentasyon.
Nahaharap naman ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










