Naglabas ng show cause order ang Impeachment Court laban kay Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, kaugnay ng kanyang mga pahayag na bumabatikos sa mga senator-judges na dumidinig sa impeachment trial ng bise presidente.

Nag-ugat ang usapin sa mga komento ni Panelo matapos ang ika-44 na araw ng paglilitis noong Huwebes, Nobyembre 19, kung saan kinuwestiyon ng ilang senator-judges ang testimonya ni Atty. Rainer Dela Fuente, testigo ng panig ng depensa.

Ayon kay Panelo, tila ang mga senator-judges mismo ang kumukuwestiyon sa kredibilidad ng mga testigo ng depensa. Kinuwestiyon din niya ang mga naging tanong at komento ng mga senador sa panahon ng paglilitis.

--Ads--

Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala si Senator-Judge Erwin Tulfo sa ika-45 araw ng paglilitis ngayong Biyernes, Nobyembre 20, at hiniling na maglabas ng show cause order laban kay Panelo.

Ayon kay Tulfo, hindi bahagi ng impeachment proceedings si Panelo ngunit nagbibigay ito ng mga komento laban sa mga senator-judges, gayong ang kanyang pinaglilingkurang bise presidente ang kasalukuyang nililitis ng impeachment court.

Sa pamamagitan ng show cause order, inaatasan si Panelo na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng kaukulang hakbang kaugnay ng kanyang mga naging pahayag.