Dagupan City – Hindi umano nakatulong ang testimonya ni Atty. Rainer Dela Fuente upang ma-debunk ang mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito umano ang naging pagsusuri ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert at litigator kung saan ay sinabi nito na sa kabuuan ng testimonya ni Dela Fuente, lumitaw na ilan sa mga puntong inilahad niya bilang financial at anti-money laundering expert witness ng panig ng depensa ay mismong na-debunk sa isinagawang pagtatanong ng mga Senator-Judges.
Kung saan ay binigyang-diin din niyang hindi dapat basta inilalahad sa direct examination ang mga impormasyong may kaugnayan sa confidential evidences, partikular ang mga datos na nagmula sa pagsusuri ng financial forensic analyst na si Atty. Alex Cabrera.
Ipinaliwanag din ni Cera na mahalagang suriin ang mga pahayag ni Dela Fuente batay sa kabuuan ng ebidensiyang inihaharap sa impeachment proceedings, lalo’t ilang beses na kinuwestiyon nina Senator-Judges Raffy Tulfo at Francis Pangilinan ang kaniyang mga paliwanag tungkol sa mga usaping may kaugnayan sa Anti-Money Laundering Act.
Samantala, nilinaw ni Cera na tilwa wala umanong kaugnayan sa mga isyung tinatalakay sa impeachment proceedings ang lumang video ng yumaong dating Senator Miriam Defensor Santiago na ipinakita ng defense panel.
Para kay Cera, tila inililihis lamang nito ang usapin mula sa mga pangunahing alegasyong kailangang sagutin ng panig ng depensa, kabilang ang mga kahina-hinalang transaksiyon, return of capital at iba pang usaping pinansyal na hindi pa umano lubusang naipapaliwanag.










