Dagupan City – Magiging mas accessible na sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya sa Pangasinan ang mga serbisyo ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pagbubukas ng One-Stop Service Center for OFWs (OSCO) sa Barangay Tomana West, Rosales.

Ayon kay Christian Rey O. Sison, Regional Director ng DMW Region I, tumatanggap na ng mga kliyente ang tanggapan sa pamamagitan ng mga nakatalagang personnel, habang inaasahang magiging ganap na operational ito sa Enero 2027 matapos ang paglilipat ng mga kagamitan at iba pang kinakailangang paghahanda.

Layunin ng pagtatatag ng naturang tanggapan na mailapit sa mga OFW ang mas malawak na serbisyo ng ahensya, partikular ang mga serbisyong legal na hindi ganap na naibibigay sa mga kasalukuyang satellite office dahil sa limitadong tauhan at resources.

Kabilang sa mga serbisyong ihahatid dito ang legal assistance, pre-employment orientation seminar, processing ng Government-to-Government (G2G) applications, interview at evaluation, pagproseso ng Overseas Employment Certificate (OEC), reintegration services at iba pang tulong para sa mga OFW.

Magkakaroon din ng koordinasyon sa iba’t ibang partner agencies na magsasama-sama sa iisang lugar upang mas mapabilis at mapadali ang pagkuha ng serbisyo.

Kabilang dito ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Pag-IBIG Fund at Maritime Industry Authority (MARINA) para sa mga seafarer.

Binigyang-diin ni Sison na hindi lamang mga residente ng Rosales ang maaaring makinabang sa bagong tanggapan kundi maging ang mga OFW mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan.

Mananatili rin ang mga umiiral na satellite office, kabilang ang tanggapan sa Dagupan City, upang patuloy na mapagsilbihan ang mga mamamayan sa iba pang lugar.