Humihingi ng dalawang bagong MRI machine ang Region 1 Medical Center matapos hindi na gumana ang dalawa nitong makina. Ayon kay Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge, Medical Center Chief ng Region 1 Medical Center, Yung isa, hindi na kayang ayusin dahil sa sobrang luma. Yung isa naman, madalas nang masira. Kaya nakikipag-ugnayan na ang ospital sa iba pang institusyon para ma-accommodate ang mga pasyenteng nangangailangan ng MRI. Nagsumite na rin ng liham sa Pangulo ang pamunuan para humingi ng dalawang bagong makina.

‎Dagdag niya, kapakanan ng mga empleyado ang isa sa mga tututukan niya bilang bagong OIC ng Hospital Napag-alaman kasi na inaabot ng tatlong buwan bago sumahod ang ilang job order at contractual na empleyado. Kaya nakipag-ugnayan na siya sa human resources upang paikliin ito.
‎
‎Kasabay nito, tiniyak ni Dr. Callanta na tuloy-tuloy pa rin ang serbisyo ng ospital sa kabila ng pagpapalit ng pamunuan. Aniya, Limitado man ang kapangyarihang ibinigay ng Department of Health, tuloy pa rin ang araw-araw na operasyon ng ospital.
‎
‎Samantala, puno na rin ang ospital sa 600 bed capacity nito at minsan ay lumalagpas pa sa 100 percent ang occupancy rate. Dahil dito, pasok na ito sa 85 percent na requirement para makapag-apply sa 1,500 bed capacity na may kasamang imprastraktura, personnel at pondo. Pagtitiyak pa nito, tuloy pa rin ang patakaran ng ospital na admit to all para sa lahat ng pasyente at pinalalakas pa ang partnership sa lokal na pamahalaan ng Pangasinan.