Patuloy ang pag-iikot ng grupong Ban Toxic sa iba’t ibang tindahan upang subaybayan at suriin ang mga produktong ibinebenta sa merkado, partikular na ang mga laruang pambata at iba pang produktong karaniwang binibili bilang regalo.
Ayon kay Tony Dizon, campaigner ng Ban Toxic, hindi lamang monitoring ang kanilang isinasagawa kundi aktuwal ding sinusuri ang iba’t ibang produkto upang matukoy kung mayroon itong mapanganib na kemikal na maaaring makapinsala sa kalusugan, lalo na ng mga bata.
Paliwanag ni Dizon, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mas pinipili ng ilang mamimili ang mga produktong abot-kaya at pasok sa kanilang nakalaang budget. Gayunman, nagbabala siyang hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan sa pagpili ng mga murang laruan at regalong pambata.
Kasunod nito, nanawagan siya sa Food and Drug Administration (FDA), mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya na magsagawa ng aktuwal na inspeksyon sa mga pamilihan at tiyaking nakikita ang presensya ng mga awtoridad. Hinimok din niya ang mga ito na agad alisin sa mga tindahan ang mga produktong mapatutunayang mapanganib sa kalusugan.
Ibinahagi rin ni Dizon na sa 200 sample ng mga produktong nakolekta noong nakaraang taon, 125 o katumbas ng 63 porsiyento ang nagtataglay ng lead o tingga, na natukoy sa mga ginagamit na kulay o pangkulay sa mga produkto
Kabilang din sa kanilang ikinababahala ang mga produktong hindi rehistrado, kulang sa impormasyon sa label at nakabalot lamang sa plastik, kaya nahihirapan ang mga mamimili na matukoy kung sino ang manufacturer na maaaring panagutin.
Partikular ding binanggit ang mga squishy toy na umano’y nakitaan ng mapanganib na kemikal.
Dahil dito, pinayuhan ni Dizon ang mga mamimili na tignan ang pangalan ng manufacturer, may License to Operate number mula sa FDA at dapat ding suriin kung angkop ang laruan sa edad ng batang gagamit nito.









