Hindi pa rin tuluyang natatapos ang negosasyon sa Code of Conduct (COC) sa West Philippine Sea sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China, sa kabila ng naiulat na 80 porsiyento nang progreso sa kasunduan.
Ayon kay Prof. Lucio Blanco Pitlo III, Foreign Policy and Security Expert, nananatiling mahirap resolbahin ang mahahalagang usapin gaya ng saklaw ng mga lugar na sasaklawin ng kasunduan, epekto nito sa mga bansang hindi kabilang sa mga lumagda, at kung dapat ba itong maging legal na may bisa.
Ipinaliwanag din ni Pitlo na nakaaapekto sa takbo ng negosasyon ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, gayundin ang kakulangan ng tiwala sa pagitan ng mga bansang sangkot.
Dagdag pa rito, nais ng ilang claimant states na magkaroon ng kasunduang may malinaw na mekanismo ng pagpapatupad at hindi lamang mananatiling deklarasyon.
Umaasa naman ang eksperto na maipagpapatuloy ng susunod na ASEAN chairship ang nasimulang progreso sa ilalim ng Pilipinas upang makumpleto ang natitirang 20 porsiyento ng kasunduan sa susunod na taon.










