Nagdaos ng kilos-protesta ang iba’t ibang sektor sa Liwasang Bonifacio upang tutulan ang planong Pax Silica na ayon sa mga grupong nagsusulong ng karapatan ng mga katutubo ay maaaring magdulot ng paglikas sa mga komunidad at pagkasira ng kalikasan.

Sa panayam kay Gina Cambronero ng Sandiwa Network of Advocates for Indigenous Peoples and Moro Communities, sinabi nitong kabilang sa mga posibleng direktang maapektuhan ang mga katutubong Aeta sa Capas, Tarlac, partikular sa Sitio Calangitan, Barangay Cut-Cut.

Kabilang umano sa kanilang pangamba ang pagkawala ng tirahan, lupang sakahan at pinagkukunan ng kabuhayan dahil sa planong sumasaklaw sa humigit-kumulang 1,620 ektarya.

Iginiit ni Cambronero na hindi sapat na ipatupad ang proyekto nang hindi lubusang ipinapaliwanag sa mga komunidad ang nilalaman at posibleng epekto nito.

Aniya, hindi pa rin umano naipakikita sa publiko ang mismong dokumento ng kasunduan sa kabila ng mga panawagang magkaroon ng malinaw na konsultasyon sa mga maaapektuhan.

Binigyang-diin din niya na hindi lamang mga katutubo ang posibleng maapektuhan kundi maging ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor na umaasa sa likas na yaman.

Dahil dito, nananawagan ang grupo na huwag munang ituloy ang paglagda sa Pax Silica hangga’t hindi nauunawaan at napag-uusapan ang mga posibleng epekto nito sa mga komunidad at sa kapaligiran.

Samantala, sinabi ni Cambronero na magpapatuloy ang kanilang mga pagkilos hanggang Nobyembre 18 upang igiit ang karapatan ng mga katutubong mamamayan at ang kanilang panawagan para sa malawak at makabuluhang konsultasyon bago ipatupad ang anumang proyektong makaaapekto sa kanilang mga lupang ninuno.