Hinimok ng isang cybersecurity specialist ang pamahalaan na dapat pa nitong palawakin ang representasyon sa National AI Council ng iba’t ibang industriya na apektado at gumagamit ng Artificial Intelligence sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay Tzar Umang, cybersecurity specialist, bagama’t itinuturing na isang positibong hakbang ang pagkakaroon ng naturang konseho sa ilalim ng Executive Order No. 1139, dapat pa rin umanong magkaroon ng mas maraming puwesto para sa mga eksperto at industriyang may kinalaman sa paggamit ng AI partikular ang mga Small and Medium Enterprises (SMEs).
Mahalaga umano ang naturang pagbibigay ng puwesto upang matiyak na magiging angkop at epektibo ang pagpapatupad ng pambansang plano sa paggamit ng AI sa bansa partikular na sa mga negosyo.
Iginiit din ni Umang na mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa teknolohiya ng mga miyembro ng konseho upang maiwasan ang mga pagkakabuo ng polisiya at rekomendasyong makahahadlang sa inboasyon at pag-unlad ng mga insudtriya sa bansa.
Samantala, pinaalalahanan naman ng eksperto ang publiko, partikular ang mga SMEs, na maging maingat sa paggamit ng AI at iwasan ang pagbabahagi ng mga pribado o personal na impormsyon kasabay ng hindi lubusang pagtitiwala sa mga impormasyong inilalabas at ipinapasok dito dahil hindi lahat ng resulta nito ay tiyak o tama.










