Dagupan City – Ikinatuwa ng Alliance of Concerned Transport Organization (AUTOPro) Pangasinan ang panibagong rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, kasabay ng panawagang tiyakin ang pagsunod ng lahat ng gasolinahan sa ipinatutupad na bawas-presyo.
Ito ay matapos maiulat na ilang gasolinahan sa lalawigan ang hindi umano nagpatupad ng oil price rollback noong Martes, Nobyembre 10, 2026.
Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPro Pangasinan, magandang balita para sa mga tsuper ang sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng langis dahil unti-unti na umanong nakababalik sa dating antas ang kanilang kinikita.
Aniya, umaabot na sa 500 hanggang 700 piso o higit pa ang kanilang kinikita, kumpara sa panahong mataas ang presyo ng produktong petrolyo.
Kinuwestiyon din ni Tuliao ang dahilan ng ilang gasolinahan na hindi agad nagbababa ng presyo dahil gumagamit pa umano ang mga ito ng lumang stock.
Aniya, hindi ito dapat maging dahilan lalo’t agad namang naipatutupad ang pagtaas ng presyo kapag may oil price hike.
Sinabi rin ni Tuliao na nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga ulat laban sa mga gasolinahang hindi sumusunod sa rollback.
Samantala, hinikayat niya ang mga tsuper na samantalahin ang mga programang tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), gayundin ang mga fuel discount at fuel subsidy na ipinagkakaloob sa mga piling gasolinahan.
Nauna nang hinimok ng Department of Energy ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang mga gasolinahang hindi ganap na nagpapatupad ng oil price rollback, kasunod ng mga reklamong natanggap kaugnay ng pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.









