Dagupan City – Hindi naging hadlang ang maghapong pagkawala ng suplay ng kuryente sa buong bayan ng San Nicolas noong linggo upang dumagsa ang mahigit 800 katao sa Agpay Eco Park.

Batay sa opisyal na tala ng Municipal Tourism, Culture, and Arts Office (MTCAO) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), umabot sa kabuuang 802 indibidwal ang bumisita sa sikat na pasyalan.

Sa nasabing bilang, 511 ang mga lokal na residente o “San Nicolanians,” habang 291 naman ang mga turistang nagmula pa sa iba’t ibang karatig-bayan.

--Ads--

Sa halip na manatili sa kani-kanilang tahanan habang walang kuryente, pinili ng maraming pamilya at magkakaibigan na magpalamig, magpahinga, at maglibang sa gitna ng kalikasan na handog ng eco park.

Ayon sa lokal na pamahalaan, patunay ang pagdagsang ito sa patuloy na pagtangkilik ng mga residente at mga bisita sa Agpay Eco Park bilang pangunahing pasyalan sa bayan.

Kaugnay nito, patuloy na inaanyayahan ni Mayor Alicia Primicias-Enriquez ang publiko na mas tuklasin at suportahan pa ang mga lokal na destinasyon sa San Nicolas, na nagsisilbing ligtas at maaliwalas na lugar upang makapag-bonding ang bawat pamilya at magkakaibigan.