Dagupan City – Ihahatid ng Department of Migrant Workers (DMW) ang iba’t ibang serbisyo para sa overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya sa pamamagitan ng tanggapan nito sa Rosales, Pangasinan na nakatakdang maging ganap na operational upang mas mailapit ang mga programa ng pamahalaan sa mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay DMW Secretary Atty. Hans Leo Cacdac, kabilang sa mga pangunahing serbisyong ihahatid dito ang OFW documentation upang matiyak ang maayos, ligtas at etikal na recruitment at maiwasan ang illegal recruitment at human trafficking.
Magbibigay rin ang tanggapan ng tulong sa mga OFW na nakararanas ng suliranin sa ibang bansa, kabilang ang legal, medical at financial assistance sa pamamagitan ng DMW Action Fund.
Bahagi rin ng mga serbisyong ihahatid ang reintegration programs para sa mga nagbabalik na OFW, kabilang ang pagsasanay sa pamamagitan ng mga institusyong accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), gayundin ang pag-uugnay sa mga oportunidad sa kabuhayan at trabaho.
Tiniyak ni Cacdac na magpapatuloy ang koordinasyon ng DMW at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matulungan hindi lamang ang mga OFW kundi maging ang kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas na nangangailangan ng trabaho at iba pang oportunidad.
Kaugnay nito, binanggit din ang pakikipagtulungan sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamamagitan ng programang DARlingkod, na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya ng OFW na makinabang sa mga programa ng kagawaran.
Samantala, binigyang-diin naman ni DAR Secretary Conrado Estrella III na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasama-sama ng mga ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng whole-of-government approach upang mas maayos na maihatid ang mga serbisyo at matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.










