Humina ang halaga ng piso kontra dolyar sa ikalawang sunod na araw ng kalakalan nitong Huwebes.
Ang local currency ay humina ng 45 centavos upang magsara sa P63.7:$1, mula sa P63.25:$1 noong Miyerkoles.
Iniugnay ng ilang ekonomista ang paghina ng piso sa mas mataas na halaga ng US dollar laban sa major global currencies.
Lumakas ang dolyar kasunod ng pagtaas ng posibilidad na muling magpatupad ng interest rate hike ang US Federal Reserve (Fed) sa mga susunod na buwan.
Ito ay nangyari isang araw matapos lumabas ang datos na mas mabilis kaysa inaasahan ang pagtaas ng consumer price index (CPI) o antas ng presyo ng mga bilihin sa US.
Batay sa datos ng US Bureau of Labor Statistics,tumaas ng 0.4% ang inflation sa bansa, mas mataas sa 0.3% na inaasahan ng mga ekonomista.
Sa kabila ng paghina ng piso, inaasahang susuportahan ang halaga ng lokal na pera ng seasonal na pagtaas ng remittances ng mga overseas Filipino worker (OFW), kita mula sa exports, at iba pang bentahan ng dolyar na iko-convert sa piso sa fourth quarter ng taon, bilang paghahanda sa mas mataas na gastusin ngayong Kapaskuhan.










