Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang patuloy na pagsusulong ng wikang Filipino, gayundin ng mga lokal at rehiyonal na wika sa bansa, kasabay ng pagdiriwang ng ika-90 anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Ayon kay Angara, bahagi ng mga hakbang ng Department of Education (DepEd) ang pagpaparami ng mga aklat na isinasalin sa iba’t ibang wika upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng pagkakataong makabasa at matuto gamit ang wikang mas nauunawaan nila.
Isinasagawa ang mga pagsisikap na ito sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan sa pagpapalathala ng libro, katuwang ang National Book Development Board at iba pang mga ahensiyang nakapailalim sa DepEd.
Layunin din ng mga programang ito na higit pang mahikayat ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, na magkaroon ng interes sa pagbabasa habang pinahahalagahan ang sariling wika at kultura.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi lamang Filipino ang dapat isulong kundi maging ang mga lokal at rehiyonal na wika na mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat pamayanan.










