Arestado ang isang nagtitinda ng rolling pandesal matapos umanong bumunot ng hindi lisensiyadong baril sa gitna ng mainitang pagtatalo nila ng kapwa vendor sa bayan ng Santa Barbara, Pangasinan.

Naganap ang insidente bandang alas-siyete ng umaga nitong Nobyembre 12, 2026, sa bahagi ng hangganan ng Barangay Premicias at Barangay Banawang.

Ayon kay PLTCOL Michael S. Datuin, sinabi nitong nakatanggap ng impormasyon ang Santa Barbara Police Station tungkol sa isang lalaking umano’y may dalang hindi lisensiyadong baril. Agad namang rumesponde ang mga pulis at nadatnan ang naturang lalaki na nagtitinda rin ng rolling pandesal.

--Ads--

Nakuha mula sa baywang nito ang isang revolver na hindi niya umano maipakita ang kaukulang dokumento o awtoridad para dalhin. Dahil dito, kinumpiska ang baril at inaresto ang suspek.

Batay naman sa salaysay ng complainant, kapwa sila nagtitinda ng rolling pandesal at nagkaroon umano ng alitan na posibleng may kaugnayan sa kanilang mga customer at kompetisyon sa pagtitinda.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo sa Barangay Premicias, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek. Nang makita ito ng complainant, agad siyang tumakbo at humingi ng tulong sa pulisya.

Sinabi rin ng pulisya na iginiit ng suspek na dala niya ang baril para sa sariling depensa. Gayunman, dahil wala itong maipakitang kaukulang dokumento, inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, gayundin ang reklamong grave threats mula sa complainant.

Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng Santa Barbara Police ang suspek habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso.

Samantala, nanawagan si PLTCOL Datuin sa publiko na agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang impormasyon tungkol sa mga taong may hawak na hindi lisensiyadong baril. Hinikayat din niya ang mga may ganitong armas na isuko ang mga ito sa awtoridad upang maiwasan ang posibleng paggamit sa krimen.