Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbibigay ng tulong at suporta sa pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi kamakailan sa isang oil field sa Saudi Arabia.

Ayon kay Atty. Hans Leo J. Cacdac ng DMW, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mabibigyan ng sapat na proteksyon at tulong ang mga OFW na nangangailangan nito, gayundin ang kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Nakatakdang personal na puntahan ng kalihim ang pamilya ng nasawing OFW sa Malasiqui, Pangasinan upang maihatid ang tulong ng pamahalaan. Hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan at iba pang detalye ng pamilya bilang paggalang sa kanilang privacy.

--Ads--

Ayon kay Cacdac, nakatanggap din ang pamahalaan ng note of condolences mula sa pamahalaan ng Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanilang embahada at Department of Foreign Affairs (DFA), na personal ding ihahatid sa pamilya ng nasawing manggagawa.

Kasabay nito, magbibigay ang DMW ng mga programang pinansyal na tulong, livelihood assistance at psychosocial counseling upang matulungan ang mga naiwang kaanak na makabangon sa kanilang pinagdaraanan.

Tiniyak din ni Cacdac na patuloy na susuportahan ng pamahalaan ang pamilya upang maisakatuparan ang mga pangarap at magandang kinabukasan na nais sana ng nasawing OFW para sa kanyang mga mahal sa buhay.