Suportado ng Pamana Water Dagupan City ang isasagawang taunang bloodletting project ng Bombo Radyo Philippines, ang “Dugong Bombo 2026: A Little Pain, A Life to Gain,” na gaganapin bukas, araw ng Sabado, Nobyembre 14, 2026, sa Nepo Mall sa lungsod ng Dagupan mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-singko ng hapon (7:00 AM – 5:00 PM).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Glenn Gomez, Branch Manager ng Pamana Water Dagupan City, ibinahagi nito na ang pakikiisa sa nasabing makataong aktibidad ay bahagi ng kanilang Corporate Social Responsibility (CSR).
Ayon kay Gomez, hindi lamang nakatuon ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa tubig kundi pati na rin sa pangangalaga sa kalusugan at kapakanan ng komunidad.
Binigyang-diin din nito ang malapit na kaugnayan ng tubig at dugo sa buhay ng bawat tao.
Aniya, kung ang malinis na tubig ay pangunahing pangangailangan upang mabuhay at manatiling malusog ang katawan araw-araw, ang dugo naman ang direktang nagdudugtong ng buhay sa oras ng matinding pangangailangan o emergency.
Dahil dito, Hinimok ni Gomez ang publiko na makibahagi at mag-donate ng dugo dahil anumang blood type ay malaking tulong na para maisalba ang buhay ng mga kababayang nangangailangan.
Dagdag pa niya, hindi masabi kung kailan darating ang pangangailangan sa dugo na maaaring kailangan sa sarili mismo, miyembro ng pamilya, o kapitbahay balang araw kung kaya’t napakahalaga na makiisa ang lahat sa nasabing aktibidad.










