Nagsagawa ng konsultasyon ang Department of Labor and Employment Regional Office 1 (DOLE RO1) kasama ang iba’t ibang katuwang sa sektor ng paggawa para sa pagbuo ng 2027–2028 Regional Jobs and Labor Market Forecast (JLMF).
Layunin ng hakbang na ito na matukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng industriya at maitakda ang mga prayoridad sa trabaho at pagpapaunlad ng kasanayan sa buong Ilocos Region.
Sa nasabing pagtitipon, ibinahagi ng mga kinatawan mula sa Public Employment Service Offices (PESO), Job Placement Offices (JPO), mga employer, at iba pang katuwang na ahensya ang kanilang mga pananaw hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng merkado ng paggawa.
Kabilang sa mga tinalakay ang mga industriyang may pinakamalaking pangangailangan sa manggagawa (Key Employment Generators), mga umuusbong na propesyon, at mga partikular na kasanayang hinahanap ngayon ng mga negosyo.
Ayon sa DOLE RO1, ang mga nakalap na impormasyon at datos mula sa konsultasyon at mga kaugnay na labor market survey ay magsisilbing mahalagang batayan sa pag-update ng kanilang Labor Market Information (LMI) report.
Inaasahang magiging gabay ang nasabing ulat para sa mga naghahanap ng trabaho, mga mag-aaral na pumipili ng kurso, mga institusyong pang-edukasyon, at mga tagagawa ng polisiya upang masiguro na ang kakayahan ng mga manggagawa sa Rehiyon 1 ay akma sa pangangailangan ng mga industriya sa susunod na dalawang taon.










