Ibinahagi ng Philippine Red Cross Pangasinan Chapter ang kahalagahan ng regular na pagbibihay ng dugo sa pagtiyak ng sapat at ligtas na suplay para sa mga nangangailangan nito.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Krismar Brillantes, OIC ng Philippine Red Cross Pangasinan Chapter, umaabot sa halos kalahati ng pangangailangan sa dugo sa lalawigan ang kanila umanong nasusuplayan.

Binigyang-diin naman ni Brillantes na habang dumarami ang nakokolengtang dugo ng kanilang ahensya ay tumataas din ang bilang ng pangangailangan nito kaya patuloy pa ang kanilang pagpapalawig ng mga blood donation drive.

--Ads--

Samantala, ipinaliwanag naman ni Brillantes na dumaraan umano sa masusing pagsusuri sa laboratoryo ang bawat nakolektang dugo upang tiyaking kalidad at ligtas ang mga dugo bago magamit ng mga pasyente.

Kaugnay nito, hinikayat din ni Brillantes ang publiko na makiisa sa Dugong Bombo 2026, ang bloodletting activity kasama ang Bombo Radyo Dagupan at Bombo Radyo Foundation Incorporated sa Nobyembre 14, 2026, sa Nepo Mall, Arellano Street, Dagupan City, na may temang “A Little Pain, A Life to Gain.”