Dagupan City – Nakatakdang pag-aralan ng Department of Education (DepEd) Region 1 ang rekomendasyon kaugnay ng paunang imbestigasyon sa gurong sangkot sa kontrobersiyal na insidente sa isang paaralan sa Mapandan, Pangasinan.
Ayon kay DepEd Region 1 Regional Director Dr. Estela Cariño, natanggap na niya noong Biyernes ang pormal na resulta ng imbestigasyong isinagawa ng abogado ng Schools Division of Pangasinan. Kasalukuyan na itong ipinapa-review sa regional lawyer upang matukoy ang nararapat na hakbang laban sa nasabing guro.
Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon, simple misconduct ang posibleng ikaso sa guro. Gayunman, kailangan pa itong dumaan sa kaukulang proseso, kabilang ang pormal na pagsasampa ng kaso at karagdagang imbestigasyon bago magpatupad ng anumang parusang administratibo.
Nilinaw ni Cariño na hindi nangangahulugan ng agarang pagkakatanggal sa serbisyo ang posibleng parusa, bagkus ay susunod ito sa bigat ng paglabag at mga umiiral na patakaran sa administratibong proseso.
Batay rin sa paunang salaysay ng mga mag-aaral, wala umano sa lugar ang guro nang painumin ng kapareha ang isa pang mag-aaral. Gayunman, kinilala ng guro ang pagkakamaling nagawa nito kaugnay ng insidente.
Samantala, pinag-aaralan din ng DepEd ang angkop na hakbang para sa mga mag-aaral na nasa mas mababang baitang habang wala pang pinal na desisyon sa kaso.
Kaugnay naman ng inaasahang epekto ng El Niño, pinaigting ng DepEd Region 1 ang pagbabantay sa pagpapatupad ng Alternative Delivery Mode (ADM) upang matiyak na hindi maaantala ang pag-aaral ng mga estudyante.
Ayon kay Cariño, sinusuri ng kagawaran kung kumpleto at sapat ang mga learning materials na ipinagkakaloob sa mga mag-aaral, kabilang ang Self-Learning Modules (SLM) at Daily Lesson Plans (DLP).
Patuloy rin ang pakikipagpulong sa mga magulang upang matiyak ang kanilang partisipasyon at maayos na koordinasyon sa pagpapatupad ng mga alternatibong pamamaraan ng pagkatuto.
Bahagi rin nito ang Agapay Program na nagbibigay-suporta sa mga paaralan upang makapagsagawa ng mga pagpupulong, summit o kumperensiya kasama ang mga magulang bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa operasyon ng mga paaralan at pag-aaral ng mga kabataan.









