Dagupan City – Isinagawa sa Dagupan City ang Dagyaw 2026 na nakatuon sa pagpapalakas ng proteksyon sa mga kabataan laban sa pang-aabuso, karahasan at bullying.
Dinaluhan ang aktibidad ni Department of the Interior and Local Government Region I Director Jonathan Paul Leusen Jr., kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, tanggapan at organisasyon na lumahok sa pagtalakay ng mga programa sa ilalim ng SAFEnet Dagupan City.
Layunin ng pagtitipon na patibayin ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya sa pagtukoy, pagtugon at pag-iwas sa mga kaso ng pang-aabuso sa kabataan, gayundin sa pagpapabuti ng serbisyo para sa mga biktima.
Kabilang sa mga tinalakay ang pagpapalakas ng referral system, pagpapabilis ng pagtugon sa mga insidente at pagpapalawak ng kaalaman ng komunidad ukol sa karapatan ng mga bata.
Namahagi rin ang City Disaster Risk Reduction and Management Office ng emergency GO bags sa mga kalahok bilang bahagi ng pagtataguyod ng kahandaan sa sakuna kasabay ng kaligtasan ng komunidad.
Patuloy na isusulong ng lungsod ang pakikipagtulungan sa mga ahensya upang mapanatili ang ligtas at child-friendly na Dagupan.










