Dagupan City – ‎Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang mga hakbang laban sa pagbaha, partikular sa kahabaan ng Sinocalan River, sa pamamagitan ng dredging, floodgates, at pagpapahusay ng mga daluyan ng tubig.
‎
‎Personal na ininspeksyon ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, ang mga flood mitigation site upang matukoy ang kasalukuyang kondisyon ng ilog at masuri kung naaayon sa aktuwal na sitwasyon ang mga planong proyekto.

Ayon sakanya, Nakipag-ugnayan na ang lungsod sa mga inhinyero at sa pamunuan ng Oplan Kontra Baha kaugnay ng dredging na isasagawa ng regional office sa Dagupan.
‎
‎Matagal nang suliranin ng lungsod ang pagbaha, kaya patuloy ang koordinasyon nito sa Department of Public Works and Highways o DPWH para sa mga pangmatagalang solusyon.

Kabilang sa mga hakbang na isinagawa noon ang pagkuha ng water master na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ng lungsod, partikular sa Pantal area.
‎
‎Sa isinagawang inspeksyon, sinuri rin ang daloy ng tubig mula sa Sinocalan River patungong Bacayao Sur, na kabilang sa mga lugar na nakararanas ng pagbaha.

--Ads--

Ayon sa mga residente, may dating daluyan ng tubig patungo sa barangay na posibleng may kaugnayan sa problema.

Dahil dito, plano ring talakayin ang usapin sa DPWH regional office.
‎
‎Tiningnan din ang mga outlet na nagsisilbing labasan ng tubig-ulan mula sa mga kalsada patungo sa ilog, gayundin ang floodgate na bahagi ng sistema ng pagkontrol sa daloy ng tubig.
‎
‎Patuloy na tututukan ng lungsod ang Sinocalan River at iba pang flood-prone areas, habang isinusulong ang dredging at pagpapahusay ng drainage system upang mabawasan ang panganib ng pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad sa Dagupan.