Dagupan City – Nakatanggap ng karagdagang suporta ang mga magsasaka sa lahat ng dalawampu’t siyam na barangay ng Sta. Barbara matapos maipamahagi ang Hybrid at Inbred Palay Seeds sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
Isinagawa ng Municipal Agriculture Office ang pamamahagi ng mga binhi mula Nobyembre 3 hanggang 9 bilang bahagi ng pagsuporta sa mga magsasaka at pagpapalakas ng produksyon ng palay sa bayan.
Sa pamamagitan ng mga binhing ipinamahagi, layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka sa kanilang susunod na taniman at mabigyan sila ng karagdagang suporta upang makamit ang mas magandang ani.
Mahalaga ang ganitong uri ng tulong dahil direktang nakaaapekto sa produksyon ng palay ang pagkakaroon ng sapat at angkop na binhi, na isa ring mahalagang bahagi sa pagpapanatili ng suplay ng pagkain sa komunidad.










