Tuloy-tuloy at walang humpay ang aksyon ng lokal na pamahalaan ng Dagupan sa pagpapatupad ng mga programang pangontra sa baha upang protektahan ang mga residente sa iba’t ibang barangay sa lungsod.

Personal na pinangunahan ang isang morning inspection sa Barangay Bacayao Sur kasama ang City Engineering Team sa pamumuno ni City Engineer Josephine Corpuz at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Chief Ronald De Guzman upang suriin ang kalagayan ng mga waterways sa lugar.

Sa ilalim ng pinaigting na “Oplan Kontra Baha,” mas papalawakin pa ang mga river dredging operations na direktang makatutulong at kapakinabangan ng mga komunidad sa pitong barangay na kinabibilangan ng Bacayao Sur, Bacayao Norte, Lasip Chico, Lasip Grande, Pogo Chico, Pogo Grande, at Herrero-Perez.

Bukod sa pagsasagawa ng pagpapalalim at paglilinis ng mga ilog, iginiit ng pamahalaang lungsod ang mas matibay na koordinasyon at pakikipag-diyalogo sa pambansang pamahalaan upang maisulong ang mga pangmatagalang solusyon laban sa pagbaha.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan na patuloy ang kanilang pag-ikot sa iba pang mga barangay sa Lungsod ng Dagupan upang tiyakin ang mabilis at kongkretong aksyon para sa kaligtasan ng bawat Dagupeño.