Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang mga hakbang at preparasyon upang makatugon sa matinding epekto ng tagtuyot at El Niño na sumusubok sa iba’t ibang sektor sa buong lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Mayor Belen Fernandez na buo ang suporta ng City Hall sa mga paaralan at daycare centers sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga electric fan, emergency go-bags, at mga water container para sa imbakan ng inuming tubig ng mga mag-aaral.

Bukod dito, sinimulan na rin ng LGU ang dry run sa pagkakabit ng mga aircon unit sa ilang silid-aralan upang mabawasan ang labis na init na nararanasan ng mga estudyante.

--Ads--

Kaugnay naman sa usapin ng suspensyon ng klase dulot ng mataas na heat index, binigyang-diin ng alkalde na nananatiling nakatutok ang lungsod sa mga umiiral na direktiba ng Department of Education (DepEd) habang inaantay ang opisyal na pagpapatupad ng mga bagong alituntunin mula sa pambansang pamahalaan.

Samantala, nilinaw naman ni Mayor Fernandez na bagamat may nararamdamang epekto ang El Niño sa sektor ng agrikultura at sa livelihood ng mga mangingisda, wala namang naitalang malawakang mass fish kill sa mga palaisdaan sa lungsod.

Sa kabila nito, magpapaabot pa rin ang pamahalaang lokal ng financial assistance at pamamahagi ng PBBM rice sa mga apektadong mangingisda upang maibsan ang kanilang nararanasan.

Kasabay nito, pinaigting din ng LGU ang mga precautionary measures laban sa banta ng sunog na madalas sumiklab tuwing panahon ng tagtuyot.

Kaagapay ang Bureau of Fire Protection (BFP), pinatututukan ang malawakang grass cutting sa mga bakanteng lote habang inatasan naman ang City Engineering Office na suriin at inspeksyunin ang mga electrical wiring ng mga gusali sa lungsod.

Samantala, patuloy din ang pagsasagawa ng information drive at disaster preparedness training ukol sa climate change sa mga pampublikong pagtitipon sa lungsod.