Itinuturing na positibong hakbang ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagpapatupad ng Department of Agriculture (DA) ng 60 araw na pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng karneng baboy upang maibsan ang pagkalugi ng mga lokal na magbababoy.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, bagama’t welcome development ang naturang hakbang, hindi pa rin ito sapat upang tuluyang matugunan ang suliranin ng sektor.

Aniya, patuloy na nakararanas ng mababang farmgate price ang mga lokal na hog raisers, partikular ang mga backyard raisers, na nasa ₱120 hanggang ₱140 kada kilo, kumpara sa tinatayang production cost na katumbas ng ₱3,000 hanggang ₱4,000 kada ulo ng baboy.

Dagdag pa niya, tumaas man ng ₱10 hanggang ₱20 kada kilo ang farmgate price, nananatili pa rin itong mababa para mabawi ng mga magbababoy ang kanilang puhunan.

Inaasahan ng SINAG na makatutulong ang pansamantalang import ban upang tumaas ang presyo ng lokal na karneng baboy sa farmgate level.

--Ads--

Gayunman, iginiit ni Cainglet na hindi nangangahulugang awtomatikong bababa o tataas ang presyo sa merkado dahil sa naturang hakbang, lalo’t nananatiling mataas ang suplay ng karneng baboy sa bansa.

Nilinaw din niyang direktang nakikipagkompetensiya sa lokal na produksyon ang mga inaangkat na sariwa, chilled at iba pang produktong baboy.

Batay sa pahayag ni Cainglet, aabot na sa ₱27.9 bilyon ang tinatayang pagkalugi ng lokal na hog industry mula Enero hanggang Hulyo 2026.

Aniya, konserbatibo pa lamang ang naturang halaga dahil hindi pa kabilang dito ang pagkalugi ng mga kaugnay na sektor gaya ng feed milling, corn production, animal health, veterinary services, traders at market vendors.

Sinabi rin ng opisyal na nakasalalay sa magiging paggalaw ng farmgate price sa ikaapat o ikalimang linggo ng pagpapatupad ang posibilidad na palawigin ang 60 araw na import ban hanggang 200 araw.

Kasabay nito, patuloy nilang isinusulong ang pagbabalik sa 30 hanggang 40 porsiyento ng taripa sa inaangkat na karneng baboy upang magkaroon ng mas pangmatagalang proteksiyon ang lokal na industriya.