Aminado ang testigo ng defense team na si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin na hindi siya tiyak kung ang biniling lupa sa Matina Crossing sa Davao City na pag-aari ni Atty. Manases Carpio ay siya ring “residential lot” sa Barangay 74-A na nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.

Sa impeachment trial, inusisa ni Senator-judge Bam Aquino si Adalin kung nasuri ba niya ang lahat ng ari-arian ni VP Sara sa Barangay 74-A at kung ito ba ay iisa lamang sa 379-square-meter na property naman ni Carpio.

Tugon naman ni Adalin, hindi na niya ito inalam dahil nakalagay sa subpoena ng impeachment court ang partikular na title na nagtatapos sa 0775, at ang naging basehan nila ay ang naunang tax declaration ng lupa na nakasaad sa SALN.

--Ads--

Iginiit ni Aquino na kung hindi pala ito nasuri, hindi rin masasabi ng City Assessor na iisa lamang ang property sa Barangay Matina Crossing at Barangay 74-A.

Inamin din ni Adalin na hindi niya na-check kung ilan ang properties ng mag-asawang Duterte-Carpio at kung ilan ang kanilang mga pag-aari sa Barangay 74-A.