Nanawagan ang mga kooperatiba ng sektor ng pampublikong transportasyon sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprubahan ang hanggang ₱20 na minimum fare sa mga modernized at tradisyunal na jeepney.
Layunin ng naturang hirit na matulungan ang mga driver at operator na makasabay sa patuloy na pabago-bagong presyo ng petrolyo at mahal na operational expenses.
Ayon kay Jessie Quiroz, President ng Cooperative Development Authority (CDA)-Public Utility Cluster Region 1, hindi na sapat ang itinutulak na ₱17 fare increase sa pambansang antas dahil pumalo na sa halos ₱95 bawat litro ang presyo ng krudo sa lalawigan ng Pangasinan.
Iginiit ni Quiroz na ang hirit na ₱20 pamasahe ay para lamang maabot ang break-even point ng mga operator at driver upang matustusan ang krudo at maipagpatuloy ang pangkabuhayan ng kanilang pamilya.
Bukod sa krudo, pinalala pa ng matinding init na dulot ng El Niño ang gastusin sa maintenance ng mga air-conditioned modernized units.
Binigyang-diin ng pinuno ng transport cluster na nadoble ang presyo ng refrigerant na ginagamit sa aircon—mula sa ₱6,000 noong nakaraang taon para sa isang 13.6 kg na tangke, umakyat na ito sa ₱13,000 ngayong taon.
Paliwanag nito na habang nare-regulate ng pamahalaan ang fare matrix sa pamasahe, hindi naman nakokontrol ang pagtaas ng presyo ng mga spare parts at bilihin na sumusunod sa pagtaas ng presyo ng langis.
Dahil dito, doble ang pasanin ng mga transport cooperative at operator, lalo na ang mga may binabayarang amortisasyon para sa mga modernized jeepney at bus nationwide.
Dahil dito, humihingi ng pag-unawa at suporta si Quiroz sa mga mananakay habang pinalalakas ang panawagan sa pamahalaan na mabilisang suriin at aksyonan ang kanilang petisyon para sa dagdag-pamasahe upang mapanatili ang maayos, ligtas, at kumportableng serbisyo sa publiko.










