Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Rise Up for Life and for Rights sa mga pamilya ng mga biktima bilang paghahanda sa nalalapit na paglilitis sa International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30.
Ayon kay Rubylin Litao, coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, kabilang sa kanilang mga ginagawa ang pagbibigay ng updates sa mga pamilya hinggil sa naganap na status conference, kung saan ipinaliwanag ang mga prosesong magaganap at ang mga inaasahang mangyayari sa araw ng trial.
Mahalaga aniya na maipaliwanag nang maayos sa mga pamilya ng mga biktima ang mga detalye at proseso ng paglilitis upang maunawaan nila ang mga susunod na hakbang sa paghahanap ng hustisya.
Sa mismong araw ng paglilitis sa Nobyembre 30, inaasahang magtitipon-tipon ang mga pamilya ng mga biktima para sa isang group watch upang sama-samang masubaybayan ang mga pangyayari.
Patuloy rin ang pag-abot ng grupo sa iba pang pamilya na hindi pa nakapagsasampa ng kaso. Kasabay nito, pinag-aaralan din ng Rise Up ang posibilidad ng kanilang representasyon sa The Hague upang mas mapalakas ang suporta at pakikilahok sa proseso.
Ipinahayag din ni Litao ang kanilang tiwala sa prosecution sa pagpili nito ng limang expert witnesses. Umaasa ang grupo na makapagbibigay ang mga eksperto ng sapat na konteksto at ebidensiya upang maipaliwanag ang mga kasong may kaugnayan sa crimes against humanity.
Samantala, nakikipag-ugnayan din ang Rise Up sa iba’t ibang organisasyon, kabilang ang mga human rights advocates at mga religious groups, upang magtipon-tipon at magpahayag ng suporta at pakikiisa sa mga pamilya ng mga biktima.
Para kay Litao, unti-unti nang nararamdaman ng mga pamilya ang paghahanap ng hustisya sa pamamagitan ng lumalawak na suporta mula sa iba’t ibang sektor at sa nalalapit na pagsisimula ng paglilitis sa ICC.










