Muling kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang mungkahi ng pamahalaan na paggamit ng mga balde bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Sa kaniyang pakikipagpulong sa mga overseas Filipino worker o OFW sa Hong Kong nitong Linggo, Nobyembre 8, sinabi ni Duterte na hindi sapat ang paghahanda ng mga balde upang makaipon ng tubig-ulan, lalo na kung mauwi sa matinding tagtuyot ang inaasahang epekto ng El Niño.
Ayon sa Bise Presidente, dapat pagtuunan ng pamahalaan ang mas malawak na paghahanda, partikular ang pagtiyak sa sapat na suplay ng pagkain sa panahon ng posibleng kakulangan sa tubig.
Binigyang-diin din niya na batay sa mga babala ng mga eksperto, posibleng umabot sa drought o matinding tagtuyot ang epekto ng El Niño, kung saan maaaring tuluyang matuyo ang mga pinagkukunan ng tubig.
Giit ni Duterte, kailangang magkaroon ng konkretong plano ang pamahalaan upang matugunan ang posibleng epekto nito sa suplay ng pagkain at kabuhayan ng mga Pilipino.
Ang pahayag ng Bise Presidente ay kasunod ng mungkahi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maghanda ng mga balde upang makalikom ng tubig-ulan bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang El Niño.










