Dagupan City – Sumailalim sa briefing ang 32 magsasaka sa Mangaldan, Pangasinan bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng malakas na El Niño sa sektor ng agrikultura.
Isinagawa ang aktibidad noong Huwebes, Nobyembre 5, 2026 sa ilalim ng Agri-Extension on Wheels program na nagsasagawa ng mga briefing sa iba’t ibang bayan sa rehiyon upang maipaalam sa mga magsasaka ang mga teknolohiya at estratehiya sa pagharap sa pabago-bagong klima.
Tinalakay sa seminar ang climate-responsive agricultural technologies na nakatuon sa pagtugon sa pabago-bagong klima. Kabilang sa mga itinuro ang apat na estratehiya para sa mga magsasaka na regular na pagmomonitor sa lagay ng panahon at kondisyon ng bukirin at alagang hayop.
Itinuro rin ang pag-aayon ng panahon ng paglalagay ng pataba at lokasyon ng mga pananim batay sa sikat ng araw.
Binigyang-diin din sa pagsasanay ang proteksyon sa mga pananim at alagang hayop sa pamamagitan ng sapat na suplay ng tubig, bitamina para sa mga hayop, at maayos na kulungan.
Ipinayo rin ang pagbabago sa mga nakasanayang gawaing nakasisira sa kapaligiran tulad ng pagsusunog, hindi wastong pagtatapon ng basura, at maling paggamit ng compost at iba pang agricultural inputs.
Bukod sa mga pananim at alagang hayop, pinayuhan din ang mga magsasaka na pangalagaan ang kanilang sarili at pamilya. Hinikayat silang mag-usap at magplano bilang paghahanda sa sakuna at tiyakin na may sapat na suplay ng tubig, pagkain, at emergency go bag.
Hinikayat din ang mga dumalo na isabuhay ang kanilang natutuhan at ibahagi ang kaalaman sa iba pang magsasaka sa kanilang lugar.










