Nakatanggap ng ₱5 milyon ang bayan ng Manaoag mula sa National Government matapos itong mapabilang sa unang batch ng 17 local government unit sa Pangasinan na binigyan ng tulong sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction Management Fund, na iginawad sa Malacañang noong Nobyembre 5. Kinumpirma ito ni Mayor Jeremy Doc Ming Rosario sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan nitong Sabado, Nobyembre 7, kung saan sinabi niyang karamihan sa mga nabigyan ay mga shoreline municipalities na matinding tinamaan ng mahabang habagat at iba pang kalamidad, at binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na kailangang i-empower ang mga LGU dahil sila ang mas nakakaalam sa tunay na pangangailangan sa baba.

Inamin ni Mayor Rosario na hindi pare-pareho ang natanggap ng mga bayan, dahil may nakakuha ng ₱10 milyon, ₱20 milyon, at may umabot pa ng ₱50 milyon depende sa report at pangangailangan na isinumite sa Office of Civil Defense. Ang ₱5 milyon na napunta sa Manaoag ay itinuturing niyang pinaka-basic na halaga, ngunit malaking bagay na aniya para masimulan ang mga prayoridad ng bayan, at binigyang-diin niya na mahigpit itong imo-monitor ng Pangulo at kailangang ma-liquidate nang maayos.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng munisipyo ang final na menu mula sa OCD kung saan maaaring gamitin ang pondo, ngunit malinaw na kay Mayor Rosario ang dalawang prayoridad: ang pag-address sa erosion sa dalawang lugar sa Manaoag na lumalala tuwing lumalalim ang tubig dulot ng habagat, at ang matagal na niyang pangarap na 24/7 Command Center sa munisipyo. Ayon sa kanya, malaking tulong ang command center hindi lang sa disaster response kundi pati sa pagpapanatili ng kaayusan at peace and order sa bayan.

--Ads--

Sa kasalukuyan ay mayroon nang maliit na monitoring system ang Manaoag na may 42 CCTV cameras sa mga strategic areas, na aniya ay nakatulong na sa mabilis na pagresponde sa mga nawawalang cellphone at petty crimes. Ngunit nais niya itong palawakin upang mabantayan ang lahat ng pumapasok at lumalabas na bisita, lalo na at isa ang Manaoag sa pinakabinibisitang bayan sa Pangasinan dahil sa Basilica, dahil sa bawat emergency ay napakahalaga ng mabilis na response time at maayos na koordinasyon ng mga responders.

Nilinaw din ni Mayor Rosario, na siya ring Presidente ng League of Municipalities of the Philippines – Pangasinan, na hindi pa tapos ang programa at may susunod pang batch para sa mga bayan na hindi pa nakasama, tulad ng Calasiao na palaging binabaha. Ayon sa kanya, nakasalalay sa maayos na reporting ng mga MDR officers ang pagiging kwalipikado ng isang LGU, at tiniyak niyang tutulong siya upang maiparating sa OCD ang concerns ng mga hindi pa nabigyan, dahil para sa kanya ay mas mabuting maging handa kaysa mahirapan kapag nandiyan na ang sakuna, alinsunod sa motto ng Manaoag na sa bawat sakuna, dapat lahat ligtas.