Umani ng batikos mula sa isang political analyst ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Associate Justice Rodil Zalameda bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), sinabi nito na bagama’t may diskresyon ang Pangulo na pumili mula sa shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC), dapat sana ay isinaalang-alang ang isyu ng delikadesa.
Ayon kay Simbulan, sariwa pa sa isipan ng publiko ang naging pagbaligtad ng Korte Suprema sa desisyon ng Sandiganbayan na nag-convict kay dating First Lady Imelda Marcos, ina ng kasalukuyang Pangulo, sa pitong counts ng graft and corruption na may kabuuang parusang 77 taon na pagkakakulong.
Lumabas sa balita na si Justice Zalameda mismo ang sumulat ng desisyon na nag-reverse sa conviction ng Sandiganbayan.
“Para sa akin, out of delikadesa sana ay iniwasan ng Pangulo ang gano’ng klaseng appointment. Apat naman ‘yong pagpipilian niya eh. Bakit si Zalameda na siyang sumulat no’ng desisyon sa pagbaligtad ng kasong anti-graft cases sa ina ng ating kasalukuyang Pangulo. Iisipin ng mga tao parang reward doon sa ginawang desisyon,” ani Simbulan.
Giit pa ng propesor, malaki ang naging isyu ng graft and corruption cases ng pamilyang Marcos noong panahon ng diktadurya, lalo na sa loob ng 14 na taon ng Martial Law. Kaya sa panahong pinag-uusapan aniya ang accountability sa lipunan, dapat ay mas maingat ang Pangulo sa ganitong desisyon.
Dagdag pa ni Simbulan, kabilang sa shortlist na pinagpilian ng Pangulo sina Associate Justices Marvic Leonen, Alfredo Caguioa, Japar Dimaampao, at Mydas Marquez.
Para sa kanya, mas karapat-dapat sana si Justice Marvic Leonen dahil hindi lamang seniority kundi track record ng independence aniya ang basehan.
“Batay sa kaniyang track record bilang member ng Supreme Court, magaling ‘yong logic ng kaniyang mga desisyon at dissenting opinion, hindi siya sumasakay sa public opinion o gusto ng makapangyarihan, batay talaga sa pagpapatupad ng ating Konstitusyon at ating mga batas. May good track record siya na hindi yuyuko sa makapangyarihan,” paliwanag ni Simbulan.
Sinegundahan pa nito na posibleng kaya hindi napili si Leonen ay dahil may independence of mind ito at hindi basta-basta makokontrol, taliwas sa nais umano ng appointing power.
Samantala, iginiit ni Simbulan na ang appointment na ito ay maaaring magdulot ng pagdududa sa publiko hinggil sa independensya ng Hudikatura, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa accountability at korapsyon.
Pinayuhan din nito ang publiko na manatiling mapagmatyag sa mga magiging desisyon ng bagong pamunuan ng Korte Suprema.










