‎Pormal nang nai-turn over ngayong Huwebes Nobyembre 5, 2026 ang P80-Milyong Restoration ng Pacalat Communal Irrigation System sa Brgy. Pacalat, Mangatarem, Pangasinan.
‎
‎Ang proyekto na may 600 ektarya ay pakikinabangan ng 616 na mga magsasaka mula sa pitong barangay sa bayan.
‎
‎Ang naturang irigasyon na unang itinayo noong 1971 ay sumailalim sa rehabilitasyon na kinabibilangan ng pag-ayos ng diversion dam, paglalagay ng sluice at intake gates, at pagsemento ng mga kanal.
‎
‎Ayon sa pamunuan ng Seven Barangays of Mangatarem Irrigators Association, na pinamumunuan ni Virgilio Dancel Jr. malaki ang magiging epekto nito sa kanilang pagsasaka dahil magkakaroon na ng magandang patubig at tuloy-tuloy na suplay ng tubig kahit sa panahon ng tag-init
‎
‎Kasabay nito, inihayag naman ni National Irrigation Administrator Eduardo Eddie Guillen, na tuloy-tuloy pa ang pagpapatayo ng iba pang irigasyon sa buong bansa bilang paghahanda sa banta ng El Niño at La Niña upang matiyak ang suplay ng tubig.
‎
‎Bukod sa patubig, nakatatanggap din ang asosasyon ng subsidiya na limang daang piso kada ektarya kada cropping o tatlong daang libong piso kada anihan at anim na raang libong piso kada taon kung dalawang beses magtatanim.
‎
‎Ayon kay Regional Manager A, NIA Region 1 na si Engr. Geffrey B. Catulin, may bagong patakaran ang NIA sa ilalim ng programang Gulayan sa Kanal kung saan kinakailangang magtanim muna ng gulay sa mismong embankment o gilid ng kanal bago ibigay ang subsidiya.
‎
‎Layunin nitong magkaroon ng karagdagang kita ang mga magsasaka habang naghihintay ng apat na buwan sa anihan ng palay.
‎
‎Tiniyak din ng ahensya na may sapat na suplay ng tubig sa buong cropping season sa kabila ng banta ng super El Niño.
‎