Naghain ang PDP-Laban ng open letter sa Korte Suprema nitong Martes, na humihiling na resolbahin na ang mga nakabinbing petisyon kaugnay ng mga warrant of arrest laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanilang mga kasong may kaugnayan sa International Criminal Court o ICC.
Ayon kay PDP-Laban spokesperson Atty. Ferdinand Topacio, nais lamang nilang maiparating ang posisyon ng partido at mahikayat ang mga mahistrado na maglabas na ng desisyon. Sinabi rin ng partido na halos 600 araw nang nakabinbin ang habeas corpus petition para kay Duterte, habang hinihiling din ang agarang pagresolba sa motion for reconsideration ni Dela Rosa.
Kasabay nito, nagsagawa ng protesta ang mga miyembro ng PDP-Laban at mga tagasuporta ni Duterte sa harap ng Korte Suprema sa Maynila. Nanawagan sila ng desisyon hinggil sa legalidad ng mga warrant na inilabas ng ICC.
Inaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 at dinala sa The Hague upang harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026. Samantala, hinahanap din ng ICC si Dela Rosa, na hindi na nakikita sa publiko mula pa noong Marso.










