Walang naitalang major incident sa buong Region 1 sa paggunita ng Undas 2026.

Ito ang kinumpirma ni Police Major Cherry Tolentino, Chief ng Regional Public Information Office ng Police Regional Office 1 (PRO-1), sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.

Ayon kay Tolentino, sa ngalan ni Police Regional Director PBGen Crizaldo, generally peaceful ang selebrasyon ng All Saints Day at All Souls Day sa apat na lalawigan ng Region 1 – Pangasinan, La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte.

--Ads--

Aniya, zero ang naitala sa mga major crimes tulad ng shooting incident, robbery at physical injury.

Ipinaliwanag ni Tolentino na naging sapat ang bilang ng mga pulis na naka-deploy sa pampubliko at pribadong sementeryo, memorial park at transport terminals dahil sa augmentation mula sa iba pang law enforcement agencies at tulong ng mga force multipliers.

Naging epektibo rin ang whole of government approach at ang koordinasyon sa mga volunteer forces, barangay tanod at mga itinalagang Police Assistance Desk.

Mayroon lamang aniyang mga minor incidents na naitala tulad ng pagkakakumpiska ng mga bladed weapons at iba pang ipinagbabawal na gamit sa loob ng sementeryo at dalawang minor vehicular traffic incident na minor collision lamang.

Kumpara aniya noong 2025, masasabing mas well-prepared ngayon ang kapulisan dahil napigilan ang anumang major untoward incident.

Dahil dito, taos-pusong nagpasalamat ang Regional Director sa lahat ng tumulong at sa mga kababayan na sumunod sa mga ipinatupad na protocol at do’s and don’ts sa mga sementeryo.